Dumarami ang ulat ng aksidente sa kahabaan ng SLEX at SLEX Extension hanggang STAR Tollway — mga banggaan, biglaang bottleneck, alanganing lane shifts, at malabong traffic advisories. Sa gitna ito ng malawakang widening at improvement projects sa ilalim ng SMC Infrastructure. Kaakibat ng pag-unlad ang abala — oo — pero kapag buhay at kaligtasan na ang nakataya, hindi puwedeng “normal inconvenience” lang ang tingin dito.
Hindi na lingid sa publiko na malalaki at ambisyoso ang proyekto ng SMC Infra sa ating mga expressway. Layunin nitong paluwagin ang daloy ng trapiko sa pangmatagalan. Ngunit habang ginagawa ang pagpapalapad, tila mas sumisikip ang panganib sa kasalukuyan. Maraming motorista ang nalilito sa biglaang paglipat ng lane markings, kulang o huling-huli na warning signs, at construction zones na minsan ay kulang sa ilaw o malinaw na gabay lalo na sa gabi at kapag umuulan.
Bossing RSA, kilala kayo bilang hands-on at mabilis kumilos kapag may problema sa operasyon. Maraming beses napatunayan na kapag nagbigay kayo ng direktiba, gumagalaw agad ang mga tao sa ibaba. Kaya marahil panahon na para silipin nang mas tutok ang ground conditions sa SLEX at STAR — hindi lang sa progress report ng proyekto, kundi sa aktwal na karanasan ng mga motorista araw-araw.
Kapansin-pansin din na ang mga hinaing, obserbasyon, at mismong mga larawan at video ng mga insidente ay lantad na ibinabahagi ng mga motorista sa SL3X Trafix group sa Facebook — isang aktibong online community kung saan real-time na naipapakita ang sitwasyon sa kalsada. Doon mismo mababasa ang paulit-ulit na sentimyento: magulo ang lane transitions, bitin ang babala, at may mga bahagi ng work zones na kulang sa safety visibility. Hindi ito isolated na reklamo — kolektibong boses ito ng mga aktwal na bumibiyahe araw-araw.
Hindi sapat ang tarpaulin na “Sorry for the inconvenience.” Hindi sapat ang generic advisory. Ang kailangan ngayon ay real-time safety management:
Mas malinaw at mas maagang lane transition warnings
Mas maliwanag na temporary lighting sa construction stretches
Mas consistent na reflective barriers at pavement markings
Mas aktibong traffic marshals sa critical choke points
Public real-time construction maps at lane configuration updates
Mas agresibong speed control sa work zones
Kung kayang lagyan ng digital boards para sa travel time estimates, mas lalong kayang lagyan ng mas detalyadong safety alerts kada segment.
Ang motorista ay hindi kalaban ng proyekto. Nauunawaan ng publiko na may kapalit na abala ang improvement. Pero ang hindi katanggap-tanggap ay ang pakiramdam na tila nagiging trial-and-error ang traffic flow habang tumatakbo ang konstruksyon. Kada maling timpla ng lane merge ay puwedeng mauwi sa banggaan. Kada kulang na ilaw ay puwedeng maging trahedya.
Sa lawak ng resources at teknolohiya ng SMC, kayang-kaya itong ayusin nang mas maaga kaysa mas huli. Preventive, hindi reactive.
Bossing, galaw-galaw. Hindi lang para sa bilis ng proyekto — kundi para sa bilis ng pag-angat ng safety standards habang ginagawa ito. Dahil sa expressway, isang segundo lang ang pagitan ng maayos na biyahe at disgrasya.
