

Kapansin-pansin sa biyahe papasok ng Pangasinan ang maayos at makinis na mga kalsada. Parang hinihimas ng gulong ang semento—diretso, pantay, at may malinaw na mga marka. Hindi man perpekto, ramdam ng motorista ang maayos na pagpaplano at regular na pag-aalaga sa imprastraktura. Dito, ang kalsada ay hindi lang daanan; isa rin itong patunay ng seryosong pamamahala.
Ngunit pagdating sa Bulacan, tila biglang nagbabago ang eksena. Sa ilang bayan, ang dating sementadong kalsada ay mistulang mapa ng buwan—may bitak, may lubak, at may bahaging paulit-ulit tinatambakan ngunit bumabalik din sa dating sira. Ang tanong ng marami: bakit ganito? Pareho namang probinsya, pareho ring may pondo, ngunit magkaibang-magkaiba ang kalidad.
Hindi maikakaila ang kahalagahan ng Bulacan bilang gateway ng Metro Manila. Daanan ito ng produkto, pasahero, at negosyo. Ngunit sa halip na maging modelo ng maayos na kalsada, madalas pa itong nagiging simbolo ng trapik at pagkasira. Kada tag-ulan, tila sinusubok ang tibay ng mga proyekto—at kadalasan, bagsak ang resulta.
Sa Pangasinan, makikita ang disiplina sa implementasyon. Hindi lamang basta “may proyekto,” kundi may pangmatagalang pananaw. Sa Bulacan naman, madalas marinig ang salitang “ginagawa na” o “aayusin pa,” ngunit taon ang lumilipas at pareho pa rin ang problema. Paulit-ulit ang paggastos, paulit-ulit din ang pagkasira.
Hindi ito usapin ng inggit sa ibang probinsya. Isa itong paalala na posible ang maayos na kalsada kung may tamang pamamalakad, tapat na paggamit ng pondo, at tunay na malasakit sa mamamayan. Kung nagawa ng Pangasinan, bakit hindi ng Bulacan?
Sa huli, ang kalsada ay salamin ng pamahalaan. Kapag ito’y tuwid at matibay, may direksyon ang pamumuno. Kapag ito’y lubak-lubak at pansamantala, malinaw na may kailangang baguhin. Ang tanong: hanggang kailan magtitiis ang mga taga-Bulacan, at kailan nila hihilingin ang kalsadang hindi na kailangang ipagkumpara?
Mula sa Bayan ng San Miguel patungong Malolos hanggang sa exit ng Tabang, kung mahina-hina ang sasakyan mo, tila may panganib pang masira ang ilalim nito—parang nakasakay sa kabayo na mapapasigaw ka ng “yahhh!”
Sino ba ang responsable sa kalsadang sobra-sobra na ang mga lubak? Ako’y nagtatanong lamang at huwag sanang ikagalit.
Cancer’ sa lehitimong media
Samantala, tila isa nang “cancer” sa hanay ng mga lehitimong media ang mga tinatawag na Haoshao o Cindy sa lalawigan ng Bulacan—nagpapanggap na media. Nakikita sila sa mga coverage kahit hindi imbitado, may bitbit na mga yellow paper at walang katapusang “love letter.”
Habol nang habol sa mga pulitiko para lamang maiabot ang kanilang mga sulat. Maging ang mga driver ay ginagawang media at isinasama sa hanay ng mga lehitimong mamamahayag. Dahil dito, nasisira ang kredibilidad ng tunay na media sa mga ginagawang ito ng mga Cindy.
Mariing kinukondena ng mga lehitimong mamamahayag ang ganitong kalakaran—lalo’t sila pa ang nagiging matapang at mapilit. Tila kapal na ng mukha ang labanan ngayon upang igiit na sila ay tunay at hindi peke.
Nawa’y agad itong maaksyunan ng mga nasa matataas na kapulungan ng mga mamamahayag, sapagkat patuloy na nasisira ang reputasyon ng mga tunay na manunulat. /ia
