
By Sahlee Inot
PANGASINAN — Balita ang bayan ng Laoac bilang isa sa mga pinaka-malinis at maayos na munisipalidad sa lalawigan, bunga ng pagpupursige at pagkakaisa ng mga namumuno rito.
Ayon kay Mayor Ricardo Balderas ng Laoac, disiplina, kalusugan, edukasyon, at pagkakaisa ang pangunahing prayoridad at adhikain ng kanyang administrasyon, katuwang ang Sangguniang Bayan, basta’t para sa ikabubuti at ikagaganda ng pamumuhay ng kanyang mga kababayan.
May isang peryahan na kasalukuyang nag-ooperate sa nasabing bayan, na ayon sa pamahalaang lokal ay pinahintulutan upang magbigay-kasiyahan sa mga mamamayan, partikular sa mga kabataan. Mayroon itong permiso para sa operasyon ng bingo, parlor games, at iba’t ibang rides.
Gayunman, ipinaabot ng ilang concerned citizens, partikular ang mga ilaw ng tahanan, ang panawagan na sana’y masilip ng kanilang punong bayan ang nasabing peryahan matapos umanong mapasukan ito ng mga ilegal na laro gaya ng color games, drop ball, ping pong ball, at iba pang uri ng sugal na may perang pinaglalaruan.
Ang nasabing peryahan na may kasamang pasugalan ay umano’y pagmamay-ari ng isang nagngangalang Fina Ibasan, na kilala umano bilang mabait at matulungin sa mga taong lumalapit sa kanya. Dahil dito, maraming bayan sa lalawigan ng Pangasinan ang patuloy na nag-iimbita sa kanyang carnival. /ia
