MANILA – Muling ipinaalala ng Bureau of Immigration (BI) sa lahat ng rehistradong dayuhang naninirahan sa Pilipinas ang pagsunod sa 2026 Annual Report, alinsunod sa Republic Act 562 o Alien Registration Act of 1950.
Ayon sa BI, mahalaga ang Annual Report upang mapanatili ang maayos na talaan ng mga dayuhan at mapalakas ang immigration monitoring sa bansa.
Sinabi ng ahensya na ang lahat ng rehistradong dayuhan ay kailangang personal na mag-report sa loob ng unang 60 araw ng taon, mula Enero 1 hanggang Marso 1.
Kinakailangang magparehistro muna online sa BI e-services portal at magpakita ng balidong ACR I-Card o orihinal na paper-based ACR, pasaporte, at opisyal na resibo ng bayad sa Annual Report para sa nakaraang taon.
Isasagawa ang personal na Annual Report para sa BI Main Office sa Robinsons Place Manila, 3rd Level, Center Atrium, mula 9 a.m. hanggang 6 p.m., Lunes hanggang Biyernes, maliban sa holidays.
Maaari ring mag-avail ng virtual Annual Report ang mga kwalipikadong dayuhan na may balidong visa at kasalukuyang nasa bansa. Bukas ito 24/7 at tumatanggap ng bayad sa pamamagitan ng Maya, GCash, credit card, at Landbank.
Babala ng BI, maaaring pagmultahin o sampahan ng kaso ang mga hindi susunod sa itinakdang Annual Report.
