MANILA — Ipinatupad na ng Land Transportation Office (LTO) ang pagbabawal sa pagdaan ng mga electric tricycle o e-trike sa mga pangunahing lansangan sa National Capital Region (NCR) simula nitong Biyernes, bilang bahagi ng kampanya para sa kaligtasan sa kalsada.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, sakop ng pagbabawal ang EDSA, C-5 Road, Roxas Boulevard, at ang rutang mula Quirino Avenue hanggang Magallanes–South Luzon Expressway.
Ipinaliwanag ni Lacanilao na ang hakbang ay alinsunod sa umiiral na mga patakaran ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at sa mga batas trapiko ng bansa.
Babala ng LTO, maaaring pagmultahin o kumpiskahin ang mga e-trike na mahuhuling lumalabag, batay sa Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code at Joint Administrative Order 2014-01.
Aniya, hindi angkop ang mga e-trike sa mga kalsadang dinaraanan ng mabilis at mabibigat na sasakyan, at delikado ang pagsasabay ng mabagal at mabilis na daloy ng trapiko.
Dagdag pa niya, makikipag-ugnayan ang LTO sa mga lokal na pamahalaan at sektor ng transportasyon upang magtakda ng mas ligtas na ruta para sa patuloy na operasyon ng mga e-trike.
