
Nananawagan ang grupong DISKARTE Para sa Pamilya at Bayan sa administrasyong Marcos na palakasin ang mga programa para sa kapakanan, kaligtasan at proteksiyon ng tinatayang 350,000 Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa Japan at sa iba pang mga bansa.
Ayon sa DISKARTE, hindi sapat na kilalanin lamang ang kontribusyon ng ating mga kababayan sa ekonomiya sa pamamagitan ng kanilang mga remittance. Nararapat ding matiyak ang kanilang mga karapatan, seguridad sa trabaho, maayos na kalagayan at proteksiyon laban sa anumang uri ng pagsasamantala.
“Ang 350,000 Pilipinong ito ay hindi lamang mga manggagawa sa ibang bansa o pinagmumulan ng remittances. Sila ay mga kababayan nating nagsasakripisyo upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga pamilya. Karapatan nilang makatanggap ng tunay na proteksiyon at tulong mula sa ating pamahalaan,” pahayag ng bise presidente at tagapagsalita ng DISKARTE-PPB na si El Amigo.
Sinabi pa ni Amigo na siya ring tumatayong Sec-Gen ng grupo dapat lamang na agarang ipatupad ang pinaigting na serbisyong konsulado at legal assistance, mahigpit na pagbabantay sa mga recruitment agency at employer, at agarang aksiyon laban sa hindi pagbabayad ng sahod, ilegal na kaltas, diskriminasyon at pang-aabuso sa lugar ng trabaho.
Iminungkahi rin ng DISKARTE ang mas madaling pag-access sa serbisyong pangkalusugan, tulong pang-edukasyon para sa mga anak ng OFWs, financial literacy programs at sapat na suporta sa mga manggagawang nais bumalik sa Pilipinas at magsimula ng sariling kabuhayan.
“Hindi nagtatapos ang pananagutan ng pamahalaan sa oras na makaalis ng bansa ang ating mga manggagawa. Dapat silang protektahan habang nagtatrabaho sa ibang bansa at tulungan din kapag nagpasya silang umuwi at magsimulang muli sa Pilipinas,” dagdag ni Amigo.
Samantala, bahagi rin ng adbokasiya ng DISKARTE ang personal na karanasan ng founder at presidente nitong si Junex Doronio, isang beteranong mamamahayag noon pa man.
Noong 1993, bumisita si Doronio sa Japan bilang opisyal na kinatawan ng National Press Club of the Philippines (NPC). Siya noon ang kasalukuyang secretary ng NPC at presidente rin ng Journal Employees Union (JEU).
Bilang beteranong mamamahayag at lider-manggagawa, naninindigan si Doronio na kailangang bigyang-pansin ng pamahalaan ang mga karapatan, dignidad at kapakanan ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.
Nanawagan din ang DISKARTE na palakasin ang ugnayang bilateral ng Pilipinas at Japan upang matiyak ang makatarungang kondisyon sa paggawa, proteksiyong panlipunan, pagsasanay at pagkilala sa kakayahan ng mga Pilipinong manggagawa.
“Ang ating mga kababayan sa ibang bansa ay hindi lamang tagapag-ambag sa ekonomiya. Bahagi sila ng ating pambansang pamilya. Hindi dapat maging pangalawang prayoridad ang kanilang kapakanan. Dapat itong maging tuloy-tuloy na responsibilidad ng pamahalaan,” diin pa ni Amigo.
Para sa DISKARTE-PPB, bawat Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa ay nararapat sa dignidad, seguridad, makatarungang pagtrato at pamahalaang hindi sila pababayaan.
Dala ng DISKARTE ang Disiplina, Integridad, Serbisyo, Kabuhayan, Aksyon, Reporma, Tiwala, at Empowerment sa madiskarteng Pinoy!
