
MANILA — Inilabas ng Pope’s Worldwide Prayer Network ang kumpletong talaan ng mga intensyon sa panalangin ni Pope Leo XIV para sa 2026, na magsisilbing gabay ng mga Katoliko sa buong mundo sa bawat buwan ng taon.
Para sa Enero, hinihikayat ng Santo Papa ang panalangin na nakaugat sa Salita ng Diyos bilang pinagmumulan ng lakas at pag-asa. Pebrero naman ay iniaalay para sa mga batang may sakit na hindi na magagamot at sa kanilang mga pamilya, upang makatanggap sila ng sapat na pangangalaga at suporta.
Sa Marso, nananawagan si Pope Leo ng panalangin para sa kapayapaan at pandaigdigang disarmament, lalo na laban sa banta ng sandatang nuklear. Abril ay nakatuon sa mga paring dumaranas ng krisis sa bokasyon, hinihiling ang malasakit at pag-unawa ng mga komunidad.
Itinatampok sa Mayo ang isyu ng kagutuman at pag-aaksaya ng pagkain, habang ang Hunyo ay nagbibigay-diin sa papel ng sports sa pagtataguyod ng kapayapaan at pagkakaunawaan. Hulyo ay nakalaan sa paggalang at pangangalaga sa buhay ng tao sa lahat ng yugto nito.
Para sa Agosto, hinihikayat ang malikhaing ebanghelisasyon sa mga lungsod, samantalang Setyembre ay tumututok sa makatarungan at sustenableng pamamahala ng tubig. Oktubre ay inilaan sa pagpapalakas ng mental health ministry sa Simbahan.
Sa Nobyembre, binibigyang-diin ang wastong paggamit ng yaman para sa kabutihang panlahat, at sa Disyembre, iniaalay ang panalangin para sa mga pamilyang may iisang magulang.
