July 3, 2026
Cong. Salvador Pleyto Sr

Ni Vhioly Rosatazo

BULACAN — Isinusulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill No. 8389 o ang panukalang “Anti-Political Dynasty Act,” na naglalayong ipagbawal ang political dynasty sa mga pambansa at lokal na halal na posisyon sa bansa.

Ayon kay Congressman Salvador Aquino Pleyto, isa sa mga co-author ng panukala, layunin nitong matiyak ang pantay na pagkakataon ng bawat Pilipino na makapasok sa serbisyo publiko at maiwasan ang konsentrasyon ng kapangyarihan sa iilang pamilya.

Sa ilalim ng panukala, itinuturing na political dynasty ang sabay-sabay na paghawak ng mag-asawa o mga kamag-anak hanggang sa ikalawang antas ng relasyon (second degree of consanguinity o affinity) ng mga halal na posisyon sa parehong antas ng pamahalaan.

Kabilang dito ang mga posisyon sa pambansang pamahalaan, Kongreso, mga lalawigan, lungsod, at munisipalidad.

Nakasaad din sa panukala na ang bawat kandidatong naghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ay kinakailangang magsumite ng sinumpaang salaysay na nagpapatunay na wala siyang asawa o kamag-anak na tatakbo sa posisyong magreresulta sa ipinagbabawal na political dynasty.

Kung sakaling magkaroon ng paglabag, maaaring suspendihin ng COMELEC ang proklamasyon ng mga sangkot habang tinutukoy kung sino ang maaaring manungkulan alinsunod sa mga itinakdang pamantayan ng batas.

May kalakip ding mga kaparusahan ang panukala laban sa sinumang magsusumite ng maling impormasyon, pekeng dokumento, o sadyang gagawa ng paraan upang mapanatili ang political dynasty.

Inaatasan din ang COMELEC na bumuo ng implementing rules and regulations (IRR) sa loob ng 90 araw mula sa pagiging epektibo ng batas.

Bagama’t matagal nang nakasaad sa 1987 Konstitusyon ang hangaring ipagbawal ang political dynasty sa pamamagitan ng isang enabling law, nananatiling panukala pa lamang ang House Bill No. 8389. Kinakailangan pa itong maaprubahan ng parehong Kamara at Senado, at malagdaan ng Pangulo bago tuluyang maging ganap na batas.

Kung maisasabatas, inaasahang magiging malaking hakbang ito tungo sa mas bukas, patas, at demokratikong sistema ng halalan sa Pilipinas.

elamigo/

Leave a Reply

Discover more from MASID News

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading