
Ni Vhioly Rosatazo
BULACAN — Naghain si Bulacan 6th District Representative Salvador Pleyto Sr. ng House Bill No. 9934 na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.
Layunin ng panukalang batas na ibaba ang minimum age of criminal responsibility mula 15 taong gulang tungo sa 12 taong gulang, partikular para sa mga menor de edad na sangkot sa mabibigat na krimen at mga insidente ng karahasan na nagaganap sa loob o paligid ng mga paaralan.
Ayon sa explanatory note ng panukala, patuloy na dumarami ang mga insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng mga kabataan, kabilang ang mga pag-atake gamit ang baril at iba pang nakamamatay na armas.
Dahil dito, naniniwala ang may-akda ng panukala na kinakailangang magkaroon ng mas mahigpit na pananagutan para sa mga menor de edad na sangkot sa mga heinous crimes tulad ng murder, rape, parricide, destructive arson, robbery with homicide, at mass violence.
Nakasaad din sa panukala na ang mga batang may edad 12 hanggang 17 na mapatutunayang sangkot sa mga nabanggit na krimen ay hindi na maaaring makinabang sa ganap na exemption mula sa criminal liability.
Sa halip, sasailalim sila sa espesyal na proseso ng hustisya para sa kabataan at maaaring ilagay sa mga specialized youth facilities habang dinidinig ang kanilang mga kaso.
Paliwanag ni Cong. Pleyto, hindi layunin ng panukala na talikuran ang rehabilitasyon ng mga kabataan, kundi tiyaking may pananagutan ang mga gumagawa ng mabibigat na krimen habang pinananatili ang nararapat na proteksiyon para sa kanilang kapakanan.
Sa kasalukuyan, inaasahang daraan pa sa mga pagdinig at masusing talakayan sa Kongreso ang House Bill No. 9934 bago ito tuluyang maging batas.
elamigo/
