
Ni Vhioly Rosatazo
MALOLOS CITY, Bulacan — Aprubado na ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan ang Provincial Resolution No. 21-2026 na inihain ni Vice Governor Alex Castro na naglalayong hilingin sa pambansang pamahalaan ang pagbibigay ng fuel subsidy para sa mga magsasaka, mangingisda at mga driver ng public utility vehicles (PUV) sa lalawigan.
Layunin ng resolusyon na matulungan ang mga sektor na lubhang naaapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, na iniuugnay sa umiigting na krisis sa Middle East.
Ayon kay Castro, mahalagang makapagpatupad ng agarang hakbang upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa kabuhayan ng mga mamamayan.
“Patuloy tayong kikilos para sa kapakanan ng bawat mamamayan,” ani Castro.
Bukod sa inisyatiba para sa fuel subsidy, ipinahayag din na handa umanong ialay ni Castro ang kanyang buong suweldo upang makatulong sa mga pinakaapektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
“Palaging mamamayan ang nasa puso ni Vice Governor Alex, gaya na lamang ang kanyang buong sweldo ay itutulong sa mga lubhang naapektuhan ng bulusok ng pag taas ng gasolina,” ayon sa pahayag ng kanyang mga tagasuporta.
Samantala, marami umanong sektor ang nahihirapan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng tensyon sa Middle East.
“Lagapak na ang mga nasa laylayan, ultimong mga drivers ay ikot ang puwet, paano na sila,” ayon sa pahayag ng ilang residente.
Nagpasalamat naman ang ilang mamamayan sa inisyatiba ng bise gobernador.
“Salamat ng marami ke Vice Gov Alex at may ginintuan puso upang i-donate ang kanyang sweldo sa mga apektado na lubhang nahihirapan, pagpalain ka ng Dios Ama sa Langit,” pahayag ng isa pang tagasuporta.
“Maraming salamat din kay Sunshine Garcia na sobrang maunawain at s’ya na daw bahala sa pangulam Nila,” dagdag pa nito.
Sa ngayon, inaasahan ng pamahalaang panlalawigan na agad ding mabibigyan ng pansin ng pambansang pamahalaan ang kahilingan para sa fuel subsidy upang makatulong sa mga sektor na lubhang apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
elamigo/
