April 30, 2026

Ni Vhioly Rosatazo

SAN FERNANDO, Pampanga — Muling pinapaalalahanan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Gitnang Luzon ang publiko na bumili lamang ng liquefied petroleum gas (LPG) mula sa mga lehitimo at akreditadong dealer upang matiyak ang kaligtasan, tamang timbang, at kalidad ng produkto.

Ayon sa ahensya, mahalaga ang paalalang ito lalo na ngayong tag-init kung saan mas tumataas ang panganib ng mga insidente na may kaugnayan sa LPG dahil sa mataas na temperatura at hindi tamang pag-iimbak o paghawak ng mga tangke.

Ayon kay DTI Region 3 Director Edna Dizon, “Hinihikayat namin ang publiko na laging unahin ang kaligtasan sa pamamagitan ng pagbili lamang ng LPG mula sa mga akreditadong dealer. Ang pagtiyak na ang mga silindro ay nakakatugon sa mga kinakailangang pamantayan ay hindi lamang nagpoprotekta sa mga kabahayan kundi nakakaiwas din sa mga potensyal na panganib, lalo na sa panahon ng tag-init.”

Bukod sa pagpili ng tamang supplier, iginiit din ng DTI ang kahalagahan ng wastong pag-iimbak at paggamit ng LPG sa mga kabahayan at establisyimento. Kabilang dito ang paglalagay ng mga tangke sa lugar na hindi direktang nasisikatan ng araw o malapit sa anumang pinagmumulan ng init, gayundin ang regular na pag-check kung may tagas.

Paalala rin ng ahensya na ang pagbili mula sa mga awtorisadong distributor ay hindi lamang nakatitiyak ng tamang presyo at timbang, kundi pati na rin ng pagsunod ng produkto sa mga itinakdang safety standards matapos sumailalim sa tamang pagsusuri.

Dagdag pa ng DTI, dapat tiyakin ng mga mamimili na ang mga LPG cylinder ay maayos na selyado at walang depekto tulad ng kalawang o tagas. Dapat din itong may kumpletong marka gaya ng Philippine Standard mark, brand name, petsa ng paggawa at pagsusuri, kapasidad, tare weight, serial o code number, at label na “Made in the Philippines” o bansang pinagmulan kung imported.

ia/

Leave a Reply

Discover more from MASID News

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading