April 27, 2026

Patuloy ang operasyon ng umano’y iligal na “pergalan” sa iba’t ibang lugar sa Pampanga, na nagdudulot ng matinding pangamba—lalo na’t may ulat na pati mga menor de edad ay naaakit at nasasangkot sa naturang gawain.

Ayon sa mga impormante, ang “pergalan” ay kombinasyon ng peryahan at sugalan—isang uri ng operasyon na nagtatago sa anyo ng kasiyahan o pista, ngunit sa likod nito ay umiiral ang ilegal na pagsusugal.

Isang malaking katanungan ang ibinabato ng kolumnistang ito: bakit tila walang galaw ang mga awtoridad sa kabila ng lantaran at tuluy-tuloy na operasyon ng mga ito?

Sa ilang lugar, sinasabing nagaganap pa ang sugalan malapit mismo sa mga istasyon ng pulisya at gusali ng pamahalaan, ngunit tila walang nakikitang agarang aksyon.

Dahil dito, lumalakas ang hinala ng mga residente na maaaring may mga opisyal na nagbubulag-bulagan sa nasabing gawain.

Ayon sa ating mga “bubuwit,” umaabot umano sa ₱250,000 hanggang ₱270,000 ang lingguhang koleksyon mula sa mga operasyon, na posibleng kaugnay ng tinatawag na “timbre” o protection money na nagiging dahilan upang magpatuloy ang ilegal na aktibidad.

Operasyon ng pergalan

Kabilang sa mga lugar na iniulat na may operasyon ng pergalan ay ang Barangay Bebenac sa Masantol, ilang bahagi ng Mexico malapit sa mga establisyemento, Barangay Calantas sa Floridablanca, Barangay San Agustin sa Betis, Guagua, Barangay San Isidro sa Bacolor, Barangay San Agustin sa Candaba, at Barangay Sta. Maria sa Sta. Ana.

Sa kabila ng mga reklamo mula sa mga mamamayan, tila walang sapat na tugon mula sa kinauukulan.

Ang kawalan ng aksyon ay nagbubukas ng seryosong tanong hinggil sa kakayahan at integridad ng lokal na kapulisan. Kung ang ganitong uri ng iligal na gawain ay hindi masugpo, paano pa ang mas malalaking operasyon ng krimen?

Nanawagan ang kolumnistang ito sa pamunuan ng pulisya sa Pampanga, partikular kay Regional Director PBGen Jess Mendez, na magsagawa ng agarang imbestigasyon at aksyon laban sa mga nasabing operasyon.

Ang patuloy na pag-iral ng mga sugalan ay hindi lamang paglabag sa batas kundi banta rin sa kinabukasan ng kabataan.

Karapatan ng publiko ang malinaw na aksyon at pananagutan. Panahon na upang kumilos ang mga awtoridad.

Legal Disclaimer / Legal Protection Notice:
Ang artikulong ito ay isang opinion column na inilathala alinsunod sa karapatang magpahayag at sa konstitusyonal na proteksyon ng malayang pamamahayag. Layon nitong mag-ulat, magtanong, at magpahayag ng saloobin batay sa impormasyong nakalap mula sa mga source at ulat ng mga mamamayan. Ang lahat ng paratang ay nananatiling alegasyon hanggang mapatunayan sa angkop na proseso ng imbestigasyon at hukuman. Ang publikasyon ay handang magbigay-daan sa karapatan ng sinumang panig na mabigyan ng paglilinaw o sagot alinsunod sa due process.

ia/

Leave a Reply

Discover more from MASID News

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading