Ni Vhioly Rosatazo
Camp General Alejo S. Santos, Malolos City, Bulacan — Tatlong indibidwal ang naaresto ng mga operatiba ng San Miguel Municipal Police Station (MPS) kasabay ng Bulacan Police Provincial Office matapos isagawa ang anti-illegal drug buy-bust operation noong Enero 11, 2026, bandang 4:30 ng hapon sa Brgy. Tibagan, San Miguel, Bulacan.
Ayon kay PLTCOL Voltaire C. Rivera, OIC ng San Miguel MPS, isinagawa ang operasyon ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na nagresulta sa pagkakahuli kina alias “JR”, 36 taong gulang; alias “ONLIOT”, 35; at alias “RADYO”, 40—all SLI-listed.
Nakuha mula sa mga suspek ang pitong (7) heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na may tinatayang kabuuang timbang na tatlong (3) gramo at tinatayang halaga na P20,400. Kasama rin sa nasamsam ang isang (1) piraso ng limang daang piso bilang buy-bust money.
Sila ay kakaharapin ng kaso sa paglabag sa Sections 5, 11, at 26 ng Article II ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Ang mga nahuling suspek, kasama ang nasamsam na ebidensya, ay dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri at drug testing.
Ayon sa Bulacan Police Provincial Office na pinamumunuan ni PCOL Angel L. Garcillano, Provincial Director, patuloy ang kanilang mahigpit na kampanya laban sa ilegal na droga upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko sa lalawigan.
