
Ni Vhioly Rosatazo
Inihayag ng San Miguel Corporation (SMC) na umabot sa P1.43 trilyon o halos 95 porsiyento ng kabuuang P1.5 trilyong halagang nalikha nito noong 2025 ang naibalik sa ekonomiya sa pamamagitan ng mga supplier, empleyado, mamumuhunan, komunidad, at pamahalaan.
Batay sa pinakabagong Sustainability Report ng kumpanya, malaking bahagi ng kinita ng SMC ay muling umikot sa ekonomiya sa pamamagitan ng suporta sa mga negosyo, paglikha ng trabaho, kita ng pamahalaan, at iba pang gawaing pang-ekonomiya sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon sa ulat, humigit-kumulang P995 bilyon ang inilaan para sa mga supplier at gastusin sa operasyon, na nagsilbing suporta sa malawak na supply chain ng kumpanya at nakatulong sa pagpapatuloy ng negosyo at kabuhayan ng libu-libong manggagawa.
Samantala, nasa P221 bilyon ang ibinayad ng SMC sa buwis at iba pang obligasyon sa pamahalaan upang makatulong sa pagpopondo ng mga serbisyong pampubliko, imprastraktura, at mga programang panlipunan.
Naglaan din ang kumpanya ng P153 bilyon para sa mga mamumuhunan at shareholder, habang P58 bilyon naman ang ginamit sa suweldo at benepisyo ng mga empleyado. Bukod dito, P560 milyon ang ipinuhunan sa iba’t ibang programang pangkomunidad.
Iniulat din ng SMC ang P79.6 bilyong core net income, na ayon sa kumpanya ay magsisilbing pondo para sa patuloy na pagpapalawak ng negosyo at mga bagong pamumuhunan.
Sinabi ni SMC Chairman at CEO Ramon S. Ang na hindi lamang tubo ang sukatan ng tagumpay ng kumpanya.
“Sa San Miguel, ang tunay na halaga ay hindi lamang nasusukat sa kita. Layunin naming makapagbigay ng mahahalagang produkto at serbisyo habang lumilikha ng mas maraming trabaho, oportunidad, at pangmatagalang pag-unlad para sa mas maraming Pilipino,” ani Ang.
Bukod sa pananalapi, iniulat din ng kumpanya ang mga naging tagumpay nito sa imprastraktura, pangangalaga sa kalikasan, pagpapaunlad ng mga manggagawa, mga programang pangkomunidad, at pamamahala ng korporasyon.
Sa kasalukuyan, umaabot sa 5,710 megawatts ang kabuuang kapasidad ng enerhiya ng SMC. Mayroon din itong 225 kilometro ng expressway, refinery sa Bataan na may kakayahang magproseso ng 180,000 bariles ng langis kada araw, at taunang kapasidad na 17.5 milyong metrikong tonelada ng produksyon ng semento.
Sa usapin ng pangangalaga sa kalikasan, nakapagtanim na ang kumpanya ng 8.14 milyong puno sa pamamagitan ng mga reforestation program sa buong bansa. Nakapagtipid din ito ng 58 bilyong litro ng tubig mula noong 2017 sa pamamagitan ng desalination, water recycling, conservation, reuse, at rainwater harvesting.
Sa ilalim naman ng programang Better Rivers PH, iniulat ng SMC na nakapag-alis na ito ng 8.95 milyong tonelada ng banlik at basura mula sa mga pangunahing ilog at daluyan ng tubig simula noong 2020.
Sa mga programang panlipunan, mahigit 200,000 indibidwal ang natulungan ng iba’t ibang volunteer activities ng kumpanya. Umabot sa 4,298 empleyado ang lumahok bilang boluntaryo at nakapaglaan ng kabuuang 65,415 oras sa halos 600 community activities.
Lumago rin ang kabuuang bilang ng empleyado ng SMC sa 59,117 noong 2025, kung saan tinatayang 64 porsiyento ay nakatalaga sa mga lugar sa labas ng Metro Manila.
Sa aspeto ng corporate governance, sinabi ng kumpanya na lahat ng direktor at opisyal nito ay sumailalim sa pagsasanay sa mahusay na pamamahala. Natapos din ang climate risk assessment sa lahat ng pangunahing operasyon, nakakuha ang kumpanya ng 282 internasyonal na sertipikasyon, nakapagtala ng zero data breach sa buong taon, at naisailalim sa ESG screening ang halos 200 supplier bilang bahagi ng pagpapatibay ng responsableng pamamahala.
