April 23, 2026
Si Cong Salvador Pleyto habang nagbibigay ng kanyang talumpati

Ni Vhioly Rosatazo

STA. MARIA, Bulacan — Ipinanawagan ni Bulacan 6th District Rep. Salvador Aquino Pleyto ang pagpapatibay ng pamamahala sa yamang-tubig sa bansa sa pamamagitan ng paglikha ng isang Department of Water Resources at isang independiyenteng Water Regulatory Commission.

Ginawa ni Pleyto ang pahayag bilang panauhing pandangal sa ika-24 na Board Meeting ng Asia Water Council na ginanap sa Pilipinas, kung saan dumalo ang mga kinatawan mula sa 27 bansa.

Nagpasalamat ang kongresista sa Asia Water Council sa patuloy nitong pamumuno sa pagsusulong ng water security sa Asia-Pacific at binigyang-diin ang kahalagahan ng kooperasyon ng iba’t ibang sektor upang makamit ang inklusibo at napapanatiling pamamahala ng tubig.

Sa kanyang talumpati, tinukoy ni Pleyto ang lumalalang hamon sa sektor ng tubig sa bansa sa kabila ng likas na yaman nito. Aniya, bagama’t may sapat na suplay ng tubig ang Pilipinas—na may humigit-kumulang 2,500 milimetrong ulan taun-taon, 421 river basins, 221 lawa, at mahigit 36,000 kilometro ng baybayin—hindi pa rin natitiyak ang seguridad sa tubig dahil sa hindi pantay na distribusyon, urbanisasyon, paglaki ng populasyon, at epekto ng climate change.

Binigyang-diin din niya ang suliranin sa kakulangan ng tubig sa ilang lugar, habang ang iba naman ay nakararanas ng matinding pagbaha tuwing tag-ulan—isang sitwasyong aniya’y hindi na maaaring ipagsawalang-bahala.

Dagdag pa rito, patuloy umanong bumababa ang kalidad ng tubig dahil sa untreated wastewater, industrial discharge, at pagkasira ng mga watershed.

Isa sa mga pangunahing isyung tinukoy ng mambabatas ay ang pagkakahati-hati ng pamamahala sa tubig sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, na nagreresulta sa kakulangan sa koordinasyon at pananagutan.

Bilang tugon, isinusulong ang isang malawakang reporma sa pamamagitan ng paglikha ng Department of Water Resources na magsisilbing pangunahing ahensya sa pagbuo ng polisiya, pagpaplano, at koordinasyon ng lahat ng programang may kinalaman sa tubig. Layunin din nitong pagsamahin ang water supply, watershed management, sanitation, at climate resilience sa iisang balangkas.

Samantala, ang planong Water Regulatory Commission ay magsisilbing independent body na magbabantay sa mga water service providers upang matiyak ang transparency, patas na singil, at proteksyon ng mga konsyumer.

Ayon kay Pleyto, umusad na sa House of Representatives ang panukala sa ilalim ng House Bill No. 6789, na naaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa at kasalukuyang nasa Senado na para sa karagdagang deliberasyon.

Dagdag pa niya, kabilang ang panukalang ito sa mga prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), na nagpapakita ng suporta mula sa parehong ehekutibo at lehislatura.

Binigyang-diin ng kongresista na ang reporma sa sektor ng tubig ay mahalaga hindi lamang sa pamamahala kundi sa kalusugan ng mamamayan, katatagan laban sa sakuna, at patuloy na pag-unlad ng ekonomiya.

Tinukoy rin niya ang kahalagahan ng pandaigdigang kooperasyon, kabilang ang pakikipagtulungan sa Korea Water Resources Corporation (K-Water), na aniya’y makatutulong sa pagpapatupad ng mga proyekto sa bansa tulad ng sa Clark at iba pang growth areas.

“Ang tubig ay buhay, at tungkulin nating tiyakin ang isang sistemang magpoprotekta at magtitiyak ng sapat na suplay nito para sa bawat Pilipino,” ani Pleyto.

Nagpasalamat din ang mambabatas sa mga delegado mula Korea sa kanilang suporta at pakikipagtulungan.

elamigo/

Leave a Reply

Discover more from MASID News

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading