

Tuwing may kaguluhan sa Gitnang Silangan, agad na nanginginig ang presyo ng langis sa buong mundo. At kapag tumaas ang presyo ng langis, kasunod na agad ang pagtaas ng presyo ng gasolina—isang realidad na muling nararanasan natin ngayon dahil sa tensyon at labanan na kinasasangkutan ng Iran.
Hindi lingid sa kaalaman ng marami na ang Gitnang Silangan ay isa sa pinakamalaking pinagmumulan ng langis sa mundo. Kapag nagkaroon ng digmaan o kaguluhan sa rehiyong ito, agad naapektuhan ang suplay ng langis, at tumataas ang presyo nito sa pandaigdigang merkado.
Sa kasalukuyang sigalot, malaking problema ang nangyayari sa Strait of Hormuz, isang makitid na karagatan na dinaraanan ng halos 20% ng global na suplay ng langis. Dahil sa banta ng pag-atake at kaguluhan sa lugar, maraming barko na nagdadala ng langis ang hindi makadaan, na nagdudulot ng kakulangan sa pandaigdigang merkado.
Kapag nabawasan ang suplay at nananatiling mataas ang demand, natural na tumataas ang presyo. Kaya hindi nakapagtataka na ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado ay pumalo na sa higit $90 kada bariles—isa sa pinakamataas sa mga nakaraang taon.
Domino effect
Ang mas masakit dito, kahit malayo ang Pilipinas sa Iran, ramdam na ramdam natin ang epekto. Dahil umaangkat lamang tayo ng langis, awtomatikong sumusunod ang presyo ng gasolina sa galaw ng pandaigdigang merkado. Ayon sa mga ulat, posibleng tumaas ng hanggang ₱15 kada litro ang gasolina kung magpapatuloy ang tensyon sa Gitnang Silangan.
Kapag tumaas ang gasolina, domino effect ang susunod: tataas ang pamasahe, tataas ang presyo ng bilihin, at lalo lamang mabibigatan ang ordinaryong mamamayan. Magsasaka, mangingisda, drayber, at manggagawa—lahat ay tatamaan ng pagtaas ng gastos sa transportasyon at produksyon.
Sa madaling salita, ang gulo sa Iran ay hindi lamang isyu ng pulitika o digmaan sa malayong bansa. Ito ay direktang problema ng bawat Pilipino na araw-araw bumibili ng pagkain, sumasakay sa jeep, o naglalagay ng gasolina sa sasakyan.
Ngunit sino ang magtataguyod sa mga maliliit ang kita? Ayon sa nakapanayam ng inyong lingkod, isang labandera ang kumikita ng ₱600 kada araw. Sa taas ng presyo ng bilihin, halos hindi na kaya ng kanyang mga anak na makakain ng masasarap na pagkain; kahit tuyo ang ulam, mahal pa rin. Sa galungong na umaabot sa ₱300 kada kilo at bigas na mahal, sapat ba ang ₱600 para sa isang araw? Nasaan ang mga pangakong bababa ang presyo ng galungong—ang pambansang ulam ng mga nasa laylayan?
Sa kasalukuyan, walang tigil ang Iran sa pakikipag-away sa ibang bansa. Paano na ang kalagayan ng ating mamamayan? May nasawi na tayong kababayan—anong hakbang ang ginagawa ng gobyerno?
11 opisyal ng Bulacan
Samantala, tila mas binibigyang prayoridad ang 11 opisyal ng Bulacan na kamuntik ma-stranded sa Dubai. Ano nga ba ang ginagawa ng isang mayor at 11 konsehal o vice mayor roon? Nagkataon lang ba na nandun sila? Sa kabutihang palad balita natin ay nakauwi na sila ng matiwasay sa Bulacan.
Sana bigyang pansin ang mga problema sa Pilipinas at huwag lamang ilihis ang atensyon sa ibang isyu. Huwag puro salita—gawin ang tama at tutukan ang tunay na pangangailangan ng mamamayan.
Sa mundo ng ekonomiya, isang malinaw na aral ang paulit-ulit na pinapatunayan: kapag may gulo sa Gitnang Silangan, umiiyak ang presyo ng langis—at kasabay nito, umiiyak ang bulsa ng mamamayan.
