May 1, 2026
Cong Salvador Pleyto

Ni Vhioly Rosatazo

STA. MARIA – Isinulong ni Congressman Salvador Aquino Pleyto ang isang panukalang batas na naglalayong amyendahan ang Seksyon 22 ng Republic Act Blg. 4670, na kilala bilang Magna Carta para sa mga Guro sa Pampublikong Paaralan. Sa pamamagitan nito, magbibigay ng libreng taunang komprehensibong pisikal na pagsusuri para sa lahat ng guro sa pampublikong paaralan.

Taunang pisikal na pagsusuri mula sa kumpletong blood count hanggang sa mga pagsusuri sa sensory organs (mata, tainga, ilong, at lalamunan), at iba pang kinakailangang pisikal na eksaminasyon.

Kasama rin sa panukala ang pag-update sa minimum na salary grade ng mga guro sa pampublikong paaralan mula Salary Grade 11 hanggang Salary Grade 15.

Ang Salary Grade 11 (humigit-kumulang P16,000) ay itataas sa Salary Grade 15 (humigit-kumulang P33,000).

Isinusulong din ang isang batas na magbibigay ng Health Maintenance Organization (HMO) coverage para sa lahat ng guro sa pampublikong paaralan, kasama ang paglalaan ng pondo para dito.

Magkakaloob ng HMO card sa mga guro para sa kanilang medical consultation at confinement.

Isa pang panukala ang pagbibigay ng mga pribilehiyo at diskwento sa pamasahe sa lahat ng uri ng pampublikong transportasyon, at ang institusyonalisasyon ng mekanismo para dito.

Magkakaloob ng 20 porsiyentong diskwento sa pamasahe sa lahat ng mode ng transportasyon.

Ayon kay 6th District Congressman Pleyto, kabilang din sa mga panukala ang pagbibigay ng scholarship grants para sa mga guro sa pampublikong paaralan na kumukuha ng advanced degrees, kasama ang kaukulang pondo.

Ang mga guro na nagsasagawa ng advanced studies ay susuportahan ng gobyerno sa pamamagitan ng scholarship grants at taunang allowance na P25,000 para sa uniporme, mga aklat, at iba pang kaugnay na gastusin.

Dinagdag pa ni Cong. Ador ang panukalang batas na magbibigay ng 30 araw na sick leave na may buong sahod taon-taon para sa lahat ng guro sa buong bansa.

Lahat ng itinalagang guro sa pampublikong paaralan sa elementarya, sekundarya, at tersyaryang antas sa ilalim ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) at mga State Universities and Colleges (SUCs) ay may karapatan sa tatlumpung (30) araw na kalendaryong sick leave na may buong bayad sa bawat taon ng serbisyo.

Mahalaga umano kay Cong. Ador ang mga guro sapagkat sila ang nagsisilbing gabay sa paghubog at pagkatuto ng mga mag-aaral upang makamit ang kanilang mga pangarap. /elamigo

Leave a Reply

Discover more from MASID News

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading