May 3, 2026

Nina Vhioly Rosatazo at Roel Arizala

MALOLOS — Nanawagan si Bulacan Governor Daniel R. Fernando sa mga Bulakenyo na magbuklod at magtatag ng tunay na pagkakaisa sa lalawigan, sa paniniwalang ang pagpapanatili ng dignidad ng Bulacan sa gitna ng patuloy na mga anomalya ay nakasalalay sa kooperasyon hindi lamang ng mga opisyal ng pamahalaan kundi pati ng mamamayan.

“Paulit-ulit akong nananawagan na magkaisa tayo. Maging tinig ng katotohanan, ipaglaban ang tama, at panatilihin ang dignidad bilang mga Bulakenyo at mga Pilipino,” pahayag ni Fernando sa paggunita ng ika-127 Anibersaryo ng Unang Republika ng Pilipinas noong Biyernes, Enero 23, sa makasaysayang Simbahan ng Barasoain sa lungsod na ito.

Dagdag pa ng gobernador, hindi aniya nagkataon na ang paggunita sa kapanganakan ng republika ay kasabay ng kapistahan ng Sto. Niño at pagsisimula ng bagong taon. Ito raw ay paalala na sa bawat yugto ng kasaysayan ng bansa—maging sa gitna ng mga pagsubok at pagbabago—laging may pagkakataon ang sambayanan na magsimulang muli.

Nagpahayag din ng pasasalamat ang Gobernador ng Bulacan sa lahat ng Bulakenyo, kabilang ang mga opisyal mula sa iba’t ibang bayan at lungsod, sa kanilang patuloy na pagsusumikap at kooperasyon, lalo na sa pagtulong sa mga nangangailangan.

Magugunitang naging kontrobersyal ang ilang Bulacan contractors na nabansagang “BGC” o Bulacan group of contractors na nadawit sa masalimuot na flood control projects pati na ang ranking officials ng DPWH ng Bulacan.

Samantala, ibinahagi ni San Juan City Mayor Francisco Javier M. Zamora, na siya ring Pambansang Pangulo ng League of Cities of the Philippines (LCP) at panauhing pandangal sa okasyon, ang mga pagkakatulad sa kasaysayan ng kanyang lungsod at ng Malolos.

Binigyang-diin niya ang mahalagang papel ng Labanan sa Pinaglabanan sa rebolusyong Pilipino.

“Nakakatuwang isipin na ang Malolos at San Juan ay may malinaw na pagkakatulad. Ang parehong lungsod ay naging saksi sa mahahalagang yugto ng kasaysayan ng ating bansa,” ani Zamora.

Inulit din niya na ang Lungsod ng San Juan at ang lalawigan ng Bulacan ay maaaring magtulungan nang may pagkakaisa upang higit pang mapalakas ang kanilang mga institusyon sa ngalan ng serbisyo publiko.

“Dahil magkatulad ang Malolos at San Juan, naniniwala ako na marami tayong magagawa nang sama-sama. Bilang Lungsod ng San Juan, Lungsod ng Malolos, at Lalawigan ng Bulacan, maaari tayong magtulungan upang palakasin ang ating mga institusyon at higit pang mapabuti ang serbisyo sa ating mga mamamayan,” dagdag niya.

Sa kanyang panig, pinaalalahanan ni Malolos City Mayor Atty. Christian D. Natividad ang mga Bulakenyo na huwag kailanman pabayaan o sayangin ang minanang kalayaan ng Pilipinas, na aniya’y isang mahalagang pamana mula sa mga ninunong Pilipino.

“Umaasa ako na sa kasalukuyan, gaano man katagal nating hinubog ang ating pagkakakilanlan, kapag lubos nating niyakap ang ating lahi at ang pamana ng ating mga ninuno na siyang nagbigay sa atin ng kalayaan, huwag natin itong bitawan. Patunayan natin na tayong mga Pilipino ay may kakayahang ipagmalaki at pahalagahan ang isang malaya at nagsasariling bansa,” pahayag ni Natividad.

Kasabay nito, nakibahagi si National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Executive Director Carminda R. Arevalo kay Gobernador Fernando sa harap ng Gusali ng Kapitolyo ng Bulacan para sa seremonyal na paghahawi ng tabing ng Pambansang Panandang Pangkasaysayan ng Kapitolyo ng Bulacan. /ia

Leave a Reply

Discover more from MASID News

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading