
Nina Vhioly Rosatazo at Roel Arizala
BULACAN — Sinimulan ngayong araw, Sept. 21, sa District 6 ng Bulacan ang CHELdren CONNECT, isang serye ng youth engagements na iikot sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan upang makipag-ugnayan at makinig sa mga kabataan hinggil sa kanilang mga karanasan, pangangailangan at mga isyung mahalaga sa kanilang mga komunidad.
Pinagsama-sama ng unang leg ng CHELdren CONNECT ang mga kabataan at student leaders mula sa Norzagaray, Santa Maria at Angat para sa pagtitipong “CHELdren CONNECT: District 6 — LABÁN, BULACAN!”
Sa pagtitipon, nagkaroon ng pagkakataon ang mga kabataan na magkakilala, magbahagi ng kanilang mga karanasan at talakayin ang mga usaping nakaaapekto sa kanilang mga komunidad.
Layunin din ng programa na palakasin ang ugnayan ng mga kabataang nais maging bahagi ng mga usaping pampubliko at magsulong ng mga reporma.
Ang CHELdren In Action – Bulacan ay isang youth-led volunteer movement na sumusuporta kay Rep. Chel Diokno at nagsusulong ng mga progresibong reporma na nagbibigay-halaga sa pangangailangan, tinig at mga hangarin ng kabataan.
Ang District 6 ang unang hintuan ng CHELdren CONNECT sa Bulacan. Mula rito, magpapatuloy ang serye sa iba pang distrito at komunidad sa buong lalawigan upang higit na makilala ang mga kabataan, mapakinggan ang kanilang mga kuwento at mapalawak ang ugnayan ng mga kabataang Bulakenyo.
Isinagawa ang aktibidad sa pakikipagtulungan nina District 6 Board Member Arthur Andres Legaspi at Vice Mayor Guilius Samson ng Norzagaray at Councilor Maricar San Pedro-Pelayo.
Unang sakay: District 6. Susunod na hintuan: iba’t ibang bahagi ng Bulacan.
ia/
