May 15, 2026
Mayor Christian Natividad

Nina Vhioly Rosatazo & Roel Arizala

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan β€” Isa na namang grupo ng mga pamilyang MaloleΓ±o na may kamag-anak na Overseas Filipino Worker sa Gitnang Silangan ang nakatanggap ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng P10,000 mula sa Pamahalaang Lungsod ng Malolos kahapon (Marso 24) sa tanggapan ni Malolos City Mayor Atty. Christian Natividad.

May kabuuang 233 pamilya ng mga OFW sa Malolos ang nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa lokal na pamahalaan sa loob lamang ng mahigit isang linggo.

Ayon sa pamahalaan, nakapaglaan ang Malolos ng mahigit P2.3 milyon upang matulungan ang mga pamilyang karapat-dapat sa espesyal na programa ng lungsod para sa mga OFW na apektado ng digmaan sa Gitnang Silangan.

Si Administrator Joel Eugenio, katuwang si Maam Tina Sy, Executive Secretary, ang namahala sa pamamahagi ng nasabing tulong.

Nilinaw ni Mayor Christian na ang pondo ay galing sa sariling ipon ng Pamahalaang Lungsod, na inilaan para sa ganitong pagkakataon at sitwasyon para sa mga MaloleΓ±o.

Aniya, kwalipikado ang mga kamag-anak ng OFW na makakuha ng tulong pinansyal kung ang lugar kung saan nagtatrabaho ang OFW ay apektado ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.

Dagdag pa ng alkalde, inilaan din ang pondo para sa pagpapauwi ng mga OFW mula sa lungsod na hindi saklaw ng listahan ng pambansang pamahalaan.

β€œMagkakaroon din ng antabay ang pamahalaang lungsod para sa mga tiket sa pagbabalik ng mga nakauwing OFW sakaling kailangan nilang bumalik sa Gitnang Silangan pagkatapos ng kaguluhan,” ani Mayor Natividad.

Samantala, sisimulan na rin ng pamahalaang lungsod ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa TODA, JODA, mga bangkero, at iba pang apektadong sektor sa mga darating na araw.

Kasabay ng patuloy na digmaan at lumalalang krisis, nangako rin ang alkalde na bibigyan ng prayoridad ang mga drayber na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo, lalo na yaong kaakibat ng mga organisasyon.

elamigo/

Leave a Reply

Discover more from MASID News

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading