

Matagal nang usap-usapan ang ilang pergalan—isang uri ng peryahan na may halong sugal—na kahit ilang ulit nang sinubukang ipasara ng mga concerned citizens ay nananatiling bukas gabi-gabi. Kahit may dumating mang pulis, bukas pa rin ito kinabukasan, na para bang walang nangyari.
Personal naming nakausap ang ilang residente na tumangging banggitin ang kanilang pangalan. Ayon sa kanila, tuloy-tuloy ang larong drop ball at color game sa Barangay Anabu, sa harap mismo ng Puregold, pati sa GMA–Paliparan.
Gayundin sa Tanza, Cavite, sa tabi mismo ng Vista Mall. Dumaragsa ang mga manlalaro—bata, matanda, teenager—at may ilan pang dayuhan.
Ayon sa aming bubuwit, isang nagngangalang “Emily” diumano ang nagmamay-ari ng pergalan sa Barangay Anabu at GMA–Paliparan.
Malalaki raw ang mga “timbre” at laging bukambibig ng mga salubong na sina alyas na Jose at Buboy. Samantala, sa pergalan naman sa Tanza, na nasa harap o tagiliran ng Vista Mall, ang sinasabing may-ari ay nagngangalang Atienza.
Kung magkagayon, sino-sino ba ang mga binibigyan ng timbre? Hala, lagot!
Dahil dito, nananawagan kami kina Dasmariñas Mayor Madam Jennifer Bargaza at Tanza Mayor Sir Archangelo B. Matro.
Tsk…tsk…tsk…
Mabilis ang ikot ng pera. Maingay ang mga makina na tila humihigop ng pag-asa ng mga mananaya. May mga nagbabantay na wari’y alam na ang galaw ng mga pulis bago pa ito mangyari.
Kaya naman marami ang nagtatanong: “Bakit hindi kayang ipasara?”
Ayon sa isang bubuwit, “Hindi kayang ipasara ’yan.”
“May nagbabantay sa kanila,” bulong ng isang tindera. “Hindi basta-basta ’yan. May mga padrino ’yan sa itaas.”
Dahil dito, umusbong ang mga haka-haka: may impluwensiya umano ang nasa likod nito; may mga lingkod-bayan na tumitingin sa ibang direksiyon; at may ilang pulis na tila “nagpapainit lang ng upuan.”
Habang lumilipas ang panahon, naging simbolo ito ng kahinaan ng sistema—isang malaking pergalan na tila mas makapangyarihan pa sa batas na dapat pumigil dito.
Sa bawat gabing muling nagbubukas ang mga neon light, para itong paalala na may mga bagay na sa papel lamang ipinagbabawal, ngunit sa totoong buhay ay nabibili, natatakpan, at pinatatagal ang operasyon.
Mapatigil, mapasara
Sa huli, napagtanto ng mga concerned citizens na hindi ang pergalan ang tunay na problema—kundi ang mga taong dapat pumigil dito ngunit pinipiling huwag kumilos.
Kaya po humihingi kami ng tulong, bilang inyong lingkod, sa tanggapan ng butihing alkalde ng Dasmariñas na si Madam Jennifer Bargaza, at kay Sir Mayor Archangelo Matro ng Tanza, Cavite, na agarang mapatigil at maipasara ang nasabing pergalan.
Umaasa po kami sa inyong agarang aksyon!
Gayundin po kay Cavite Provincial Director PCOL Ariel R. Red—maganda po ang inyong pangalan, baka masira lamang ito kung madungisan ang inyong hanay.
ABANGAN ANG SUSUNOD NA KABANATA MGA KATROPA!
Disclaimer: Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa kolum na ito ay tanging sa may-akda lamang at hindi kinakailangang sumasalamin sa opisyal na paninindigan ng publikasyong naglathala nito. Dahil dito, ang publikasyon ay hindi maaaring panagutin sa anumang legal na paraan kaugnay ng mga pahayag at opinyong nakapaloob sa artikulong ito.
