MANILA — Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang ₱6.793-trilyong General Appropriations Act (GAA) para sa taong 2026 nitong Lunes.
Ayon sa Pangulo, ang badyet ay nakaangkla sa pangmatagalang plano ng pamahalaan at layong mapabuti ang kabuhayan at kapakanan ng mamamayang Pilipino.
“Sa pagpapatibay ng GAA para sa 2026, malinaw ang aming paninindigan na ipatupad ang badyet na tunay na naglilingkod sa taumbayan,” pahayag ni Marcos.
Aniya, magpapatuloy ang pamahalaan sa pamumuhunan sa edukasyon, kalusugan, seguridad sa pagkain, serbisyong panlipunan, at paglikha ng trabaho.
Pinakamalaking bahagi ng badyet ang napunta sa sektor ng edukasyon, na may higit ₱1.34 trilyong pondo.
Ilalaan ito sa pagkuha ng karagdagang guro at kawani, promosyon ng mga guro, at pagtatayo ng mga silid-aralan sa buong bansa.
photo courtesy of philstarlife.com
